Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang alegasyong tumanggap siya ng mga maleta ng pera mula kay dating House Speaker Lord Allan Velasco, kasunod ng pahayag ni dating Police Corporal Rodulfo Gracioso Jr.
Kinuwestiyon din ng kampo ng bise ang hurisdiksiyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang kaso. Iginiit din nila na may conflict of interest si NBI Director Melvin Matibag dahil sa umano’y pagkiling nito laban kay Duterte.
Nagsumite naman si VP Sara ng sworn affidavit sa NBI bilang tugon sa mga alegasyon. Ibinahagi ng bise sa publiko ang nilalaman ng kaniyang affidavit noong Oktubre 6.
Hiniling din ng mga abogado niya na mabigyan sila ng kopya ng anumang karagdagang affidavit o ebidensiyang isusumite ni Gracioso.
Samantala, nagpaplano ang kampo ng bise na magsampa ng mga kaso laban kay Gracioso, kabilang ang perjury at libel.



