Sugatan ang walong katao matapos tambangan ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki ang isang military convoy sa Barangay Sabong, Lamitan City, Basilan, pasado 6:00 ng gabi nitong Huwebes, Oktubre 8.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kabilang sa mga biktima ang anim na sundalo at dalawang sibilyan na may kasamang sampung taong gulang na bata.
Pabalik na raw sa kanilang headquarters sa Tipo-Tipo, Basilan ang mga tauhan ng Division Reconnaissance Company at 45th Infantry Battalion ng Philippine Army matapos sunduin ang tropa ng Regional News Reconnaissance mula Zamboanga City nang paputukan sila ng mga suspek.
Naglunsad na ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga suspek, habang pinaigting ang seguridad sa Lamitan City at mga karatig-bayan. | via Ely Dumaboc
📹: Allan Delos Reyes

