Nagdagdag ng medalya para sa Pilipinas si Rosegie Ramos matapos masungkit ang bronze medal sa snatch event ng women’s 53kg division sa IWF World Weightlifting Championships sa Ningbo, China, nitong Huwebes, Oktubre 29.
Nagtala siya ng 97 kg, isang kilo lamang ang layo sa gold medalist na si Zhang Haiqin ng China at silver medalist na si Miranda Ulrey ng United States, na kapwa nakapagtala ng 98 kg.
Nagtapos si Rosegie sa ikalimang puwesto matapos makapagtala ng kabuuang 211 kg. Bahagi ang torneo ng mga kompetisyong kailangan ng mga weightlifter upang makakuha ng ranking points para sa 2028 qualification sa Los Angeles Olympics.



