Nailigtas ang 40 pasahero, kabilang ang dalawang sanggol, at 18 tripulante matapos tumagilid ang M/V Virgen de Peñafrancia II, may sampung metro mula sa Real Port sa Barangay Ungos, Real, Quezon, nitong Biyernes ng madaling araw, Oktubre 30.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), naganap ang insidente habang papalapit sa pantalan ang barkong nagmula sa Polillo Port. Sa pahayag naman ng Starhorse Shipping Lines, naputol umano ang mga lubid na sumusuporta sa barko dahil sa malakas na agos ng tubig.
Walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente. Gayunman, matapos mamataan ang bahid ng langis sa likurang bahagi ng barko, nag-deploy ang PCG ng oil spill booms upang maiwasan ang posibleng pagkalat nito. | via Martin Banaag



