Nahaharap sa kontrobersya si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III dahil sa patung-patong na paglabag sa batas-trapiko kaugnay ng kaniyang Toyota Fortuner na nahuling dumadaan sa EDSA busway, may MMDA markings, at hindi tugmang registration sa Land Transportation Office. Usap-usapan ding konektado diumano ang naturang sasakyan sa isang pulitiko.
Inamin ni Torre na dumaan siya sa busway noong Agosto 23 para umano alamin ang status ng roadworks sa EDSA-Guadalupe Bridge at rumesponde sa isang stalled vehicle.
Nakuhanan ng dashcam video ang pagdaan ng sasakyan sa busway na ipinost ng Camote Club PH. Ilang araw matapos itong mag-viral, naglabas ang LTO ng opisyal na Show Cause Order (SCO) matapos makumpirma ang paglabag sa EDSA busway rules at ang paggamit ng maling plaka.
Nitong Miyerkules, Setyembre 2, isinuko ni Torre ang nasabing Toyota Fortuner patrol car sa LTO habang patuloy ang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni LTO Chief Markus Lacanilao na walang sinumang opisyal o sasakyan ng gobyerno ang nakatataas sa batas trapiko.
Samantala, isang source ng pahayagang Abante ang nagsabing posibleng hindi sa MMDA o kay Torre nakapangalan ang nasabing SUV, kundi sa isang pulitiko. Dahil dito, lalong naging kwestyonable ang paglalagay dito ng MMDA markings.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng LTO ang nasabing MMDA patrol car habang patuloy ang isinasagawang malalimang imbestigasyon at mga legal na proseso ukol sa insidente.
Hindi pa nagbibitiw o napapatawan ng sanction ng MMDA ang kanilang opisyal hinggil sa isyu.


