Posibleng tumaas mula P950 sa P1,500 ang Philippine passport ngunit hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ipagpaliban muna ang taas-singil hanggang 2028.
Ayon kay DFA Secretary Theresa Lazaro, hiniling nila sa APO Production Unit Inc., na gumagawa ng passport, na huwag munang ipatupad ang dagdag-singil dahil nakatakdang ilunsad ang next-generation passport sa kalagitnaan ng 2028.
Sa panukalang bagong rate, P1,500 ang regular passport fee, habang P1,200 naman para sa senior citizens at overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay Lazaro, mahigit sampung taon na mula nang huling tumaas ang passport fee at nadagdagan na rin ang validity nito mula limang taon hanggang 10 taon.
Tinutulan naman ito ni Sen. Bong Go at hindi katanggap-tanggap ang panibagong dagdag-gastusin lalo na sa mga OFW. Sinabi naman ni Ejercito na dapat ipaalam ng DFA sa Senado kung kailangan ng subsidiya para sa passport.

