Isinailalim sa heightened alert at kabuuang lockdown ang Malacañang Complex ngayong Lunes, Setyembre 21, habang nagpadala na rin ng karagdagang pwersa ng pulisya mula sa Region 3 at Region 4A upang higpitan ang seguridad laban sa mga inaasahang malawakang kilos-protesta sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Dahil sa heightened alert status, pinalibutan na ng mga barikada ang mga pangunahing kalsada at pintuan patungo sa complex ng Palasyo upang limitahan ang access at pagpasok ng mga tao.
Kabilang sa mga isinarang kalsada ang bahagi ng C.M. Recto Avenue malapit sa University of the East (UE), Arlegui Gate, pati na rin ang General Solano at Casal streets.
Pansamantalang isinara rin sa mga sasakyan ang Ayala Bridge, kung saan itinalaga at ipinwesto ang mga bus na naglalaman ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Inanunsyo rin ng Malacañang ang pansamantalang pagpapasara sa press office nito ngayong araw habang nagpapatuloy ang mga mobilisasyon ng iba't ibang grupo sa paligid ng Maynila.



