Pinagdiinan ni Vice President Sara Duterte ang kabiguan ng administrasyong Marcos na protektahan ang mga mamamayan, lalo na na ang mga mag-aaral, kasunod ng panibagong insidente ng pamamaril sa loob ng eskwelahan.
Nangyari ang insidente sa Banga National High School sa South Cotabato noong Biyernes na ikinasawi ng tatlong indibidwal at ikinasugat ng anim na iba pa.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ni Duterte na ang pangatlong insidente ng pamamaril sa paaralan sa nakalipas lang na ilang buwan ay nagpapakita na nailalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga kabataan kapag inuuna ng gobyerno ang "political consolidation" kaysa sa trabaho nito.
“Sumasalamin din ito sa laganap na karahasan sa lipunan na pinalalala ng kabiguan ng pamahalaan na tiyaking ligtas, payapa, at maginhawa ang pamumuhay ng mga Pilipino,” ayon sa Bise Presidente.
Dagdag pa ni Duterte, "Para kasi sa administrasyong Marcos, mas madali ang maging inutil, magnakaw, at magsamantala kaysa magsilbi nang tapat sa bayan."
Giit pa niya, tila nakakulong ang kasalukuyang administrasyon sa pagpapalakas ng sariling kapangyarihang pulitikal sa halip na ipatupad ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
"The Marcos administration has failed the victims and survivors of the South Cotabato tragedy. Countless more Filipino children remain at risk of becoming casualties of this government’s incompetence and neglect,” ani Duterte.
Naganap ang pamamaril sa Banga National High School noong Biyernes, bandang 1:00 ng hapon. Isang buwan pa lamang ang nakalilipas nang mangyari ang kaparehong insidente sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School noong Agosto 18 kung saan dalawa rin ang nasawi.
Bago pa man ang mga ito, naitala ang unang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong mag-aaral at ikinasugat ng 20 iba pa.
Dahil sa sunod-sunod na trahedya sa mga pampubliko at pribadong paaralan, patuloy ang panawagan ng iba't ibang sektor para sa mas mahigpit na seguridad sa mga pampublikong pasilidad at mas maayos na pagkontrol sa pagmamay-ari ng baril sa bansa.

