Nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi ibinebenta o ipinapasa sa pribadong pagmamay-ari ang 144,035 ektaryang kagubatan sa Davao Region na tinukoy bilang Potential Investment Areas (PIAs).
Ayon sa DENR, hindi awtomatikong nagbibigay ng karapatan sa mga investor na gamitin ang mga kagubatan ang pagkakatukoy sa mga ito bilang PIA. Kailangan pa ring dumaan sa aplikasyon, pagsusuri at pag-apruba ng pamahalaan ang anumang panukalang proyekto.
Kabilang sa mga pinapayagang pamumuhunan ang agroforestry, forest plantations, ecotourism at forest protection. Hindi naman kabilang dito ang pagmimina, quarrying, sanitary landfill at mga proyektong pabahay o subdivision.
Samantala, nagpahayag ng pagtutol ang ilang environmental at Indigenous Peoples' groups dahil sa pangambang malagay sa panganib ang biodiversity, ancestral domains at kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa kagubatan.
📸 PNA



