Itinaas ng pamahalaan sa ₱45.6 bilyon ang panukalang calamity fund sa ilalim ng ₱7.2-trilyong National Expenditure Program (NEP) para sa 2027, mula sa unang inilaan na ₱39.8 bilyon.
Ayon sa ulat, layunin ng dagdag-pondo na paigtingin ang paghahanda at pagtugon ng pamahalaan sa mga epekto ng El Niño.
Sinabi ni House Minority Leader Marcelino Libanan na mahigit 80 lalawigan at lungsod ang inaasahang maaapektuhan ng naturang weather phenomenon, batay sa outlook ng PAGASA. Hinimok niya ang mga ahensiya ng pamahalaan na agarang tugunan ang mga posibleng epekto nito.
Inaasahang mararamdaman ang epekto ng El Niño hanggang unang kalahati ng 2027, na maaaring magdulot ng matinding init, tagtuyot at mas mataas na temperatura sa buong bansa, ayon sa PAGASA.



