Pinabulaanan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Jay Tristan Tarriela ang pahayag ng isang Chinese scholar na teritoryo ng China ang Ayungin Shoal, at iginiit na nasa loob ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Naglabas ng pahayag si Tarriela matapos igiit ni Dr. Zheng Zhihua ng Shanghai Jiao Tong University na may karapatan ang China na gumamit ng water cannon laban sa mga barko ng Pilipinas dahil ipinagtatanggol lamang umano nito ang sarili nitong teritoryo.
Ayon kay Tarriela, 125 nautical miles lamang ang layo ng Ayungin Shoal sa Pilipinas, kaya saklaw ito ng 200-nautical-mile EEZ ng bansa alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Noong 2016, nagpasya ang arbitral tribunal sa The Hague pabor sa Pilipinas at kinilala ang Ayungin Shoal bilang bahagi ng EEZ at continental shelf ng bansa. Tinanggihan din ng tribunal ang pag-aangkin ng China batay sa nine-dash line.
📷: PNA



