Ayon mismo sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), hindi naging epektibo ang kasalukuyang pagpapatupad ng SIM Card Registration Act.
Dahil dito, nanawagan ang PNP sa mga mambabatas na amyendahan ang batas para masugpo ang pagdami ng scams at iba pang cybercrime sa bansa.
Halos lahat ng cybercrime cases sa bansa ay nagmumula umano sa paggamit ng SIM card.
Iminungkahi ng PNP ang paggamit ng National ID na may biometrics details bilang pangunahing ID sa pagpaparehistro, pag-activate lang ng SIM card pagkatapos ma-verify nang maayos at matagumpay ang identity authentication at pagpapataw ng limitasyon sa bilang ng SIM card na puwedeng irehistro ng isang tao, tulad ng hanggang limang SIM card lamang.
Isinusulong din ng pulisya ang pagbabawal sa paglipat o pagbenta ng rehistradong SIM card sa ibang tao nang walang tamang dokumentasyon at kanselasyon, at mas mahigpit na pagbabantay sa distribution ng mga SIM card sa merkado.
Ang SIM registration law ang pinakaunang batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang mahalal noong 2022, na ang principal author sa Kamara ay si dating House Speaker Martin Romualdez, habang ang co-authors naman ay sina Tingog party-list Rep. Yedda Romualdez, Rep. Jude Acidre at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos.
