Hindi sumang-ayon ang isa sa tatlong justice ng Sandiganbayan Fifth Division sa pag-alis kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan bilang akusado sa plunder case.
Matatandaang noong Hunyo 29, naghain ng Motion for Leave to File Amended Information ang mga prosecutor ng Office of the Ombudsman para alisin si Bonoan sa dalawang kaso matapos tanggapin ng anti-graft body ang kaniyang alok na maging state witness para tumestigo laban sa ilang personalidad na idinadawit sa multibillion flood control corruption scandal.
Si Bonoan ay kabilang sa mga akusado kasama si Sen. Jinggoy Estrada, na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng DPWH fiscal year 2025 na nagkakahalaga ng P573 milyon.
Tanging sina dating DPWH assistant district engineer Denryl Caesar Cortuna at mga district engineer na sina Manny Bulusan at Arturo Gonzales Jr. na lamang ang natitirang kapwa akusado ni Estrada sa kaniyang kasong plunder.
Ito ang naging resulta ng 2-1 vote ng Sandiganbayan Fifth Division na nagpapatibay sa mosyon ng prosekusyon.
Si Associate Justice Gener Gito ang nag-iisang bumoto laban dito.
Binigyang-diin ni Gito na ang hukuman ay "kept in the dark" hinggil sa kung paano makikipagtulungan si Bonoan sa gobyerno, kung anong impormasyon ang ibabahagi niya sa prosekusyon, ano ang magiging kaniyang testimonya, at kung sa aling mga kaso gagamitin ang kaniyang testimonya.
Tinutulan ng kampo ni Estrada ang mosyon ng prosecutor, at sinabing makakaapekto ito sa depensa ng senador. Tinutulan din nina Cortuna, Bulusan, at Gonzales ang nasabing mosyon.
Sinabi ng mga prosecutor na inaasahang maghahain ng motion for reconsideration ang iba pang mga akusado, kabilang si Estrada.
