Nagbabala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko na maging maingat sa pagbili ng mga produkto mula sa online sellers ngayong holiday season dahil sa mga pekeng followers at reviews na ginagamit umano upang magmukhang lehitimo ang mga account.
Ayon kay PNP-ACG spokesperson Police Lieutenant Colonel Zyrah Joy Cabal, hindi garantiya ng pagiging mapagkakatiwalaan ng isang online seller ang dami ng followers nito dahil maaari na umanong bilhin ang mga ito, gayundin ang mga review.
Mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, nakapagtala ang PNP-ACG ng 743 insidente ng online selling scams. Mula pa noong 2021, nangunguna na ang ganitong uri ng panloloko sa listahan ng mga cybercrime modus ng ahensya.
Pinayuhan ni Cabal ang mga mamimili na suriin hindi lamang ang testimonials at reviews kundi pati ang mga profile ng mga nagbigay nito upang matiyak kung tunay ang kanilang mga komento.

