Kinasuhan ng burglary at trespassing ang dalawang lalaking Albanian kaugnay ng umano’y pagnanakaw sa country residence nina Prince William at kaniyang asawang si Kate sa Sandringham Estate sa Norfolk, England.
Humarap ang mga suspek sa Norwich Magistrates’ Court nitong Miyerkules, Nobyembre 25. Ayon sa prosecution, anim na pares ng cufflinks at isang orasan ang ninakaw mula sa 10-silid na bahay na Anmer Hall.
Umakyat umano ang mga suspek sa pamamagitan ng drainpipe at nakapasok sa dressing room ng bahay na walang tao nang mangyari ang insidente. Namataan sila ng isang staff member at kalaunan ay naaresto sa isang kakahuyan, dalawang kilometro ang layo mula sa property.
May isa pang suspek na namataan sa lugar noong Lunes ng gabi, Nobyembre 23, ngunit hindi pa naaaresto. Ipinagpaliban ang pagdinig sa kaso hanggang sa susunod na linggo.
📷 Reuters


