Nadismaya ang kampo ni Veronica “Kitty” Duterte matapos ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyong humihiling na mapalaya o maiharap sa korte si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng writ of habeas corpus.
Sa botong 9-4 noong Martes, Nobyembre 24, itinuring ng Korte Suprema na wala nang saysay ang mga petisyon dahil nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo.
Ayon kay Atty. Salvador “Paolo” Panelo Jr., abogado ni Kitty, maghahain sila ng motion for reconsideration upang muling pag-aralan ng Korte Suprema ang desisyon.
Giit ni Panelo, hindi dapat mawalan ng kapangyarihan ang mga korte sa Pilipinas na suriin ang legalidad ng pagkakakulong ng isang tao dahil lamang nailipat na ito sa ibang bansa.


