Nakuha ng mga tauhan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ang siyam na kalapating-gubat mula sa isang content creator sa Marinduque matapos umanong hulihin ang mga ito para gawing content.
Kabilang sa mga nasagip ang walong white-eared brown dove o alimukon at isang black-chinned fruit dove o punay. Itinurn-over ang mga ibon sa Provincial Veterinary Office para sa dokumentasyon at pagsusuri sa kanilang kalusugan.
Inirekomenda ng hepe ng ProVet-Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team sa DENR na makipag-ugnayan sa Provincial Prosecutor’s Office upang mabigyan ng clearance ang agarang pagpapakawala sa mga ibon. Ayon kay Dr. JM Victoria, maaaring makasama sa kalusugan ng mga ito ang matagal na pagkakakulong.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 laban sa vlogger, na may kaukulang multa at pagkakakulong.
Nagbabala rin ang mga awtoridad at conservation group laban sa panghuhuli ng wildlife para lamang makakuha ng views, likes, at followers sa social media.
📷 Dr. JM Victoria

