Hinamon ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na maglabas ng ebidensiyang mag-uugnay sa kaniya sa isang resort sa Samal Island. Giit ni Duterte, hindi sapat ang mga litrato upang patunayang pag-aari niya ang naturang property.
Naglabas ng pahayag ang kongresista matapos ipakita ni Matibag ang mga litrato ng mga ari-ariang umano’y may kaugnayan sa kaniya at kay Vice President Sara Duterte. Bahagi ito ng imbestigasyon sa posibleng paggamit ng pondo sa pagbili ng lupa at pagpapaunlad ng mga resort at mansiyon.
Kinuwestiyon din ni Duterte ang pahayag na “99.9 percent legit” umano ang affidavit ni Rodulfo Gracioso batay sa lie detector test. Iginiit niya na dapat nakabatay sa konkretong ebidensiya ang imbestigasyon, hindi sa haka-haka o “trial by publicity.”



