Inamin ni Solicitor General Menardo Guevarra na sampung pangunahing kalsada ang sasakupin ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP) makaraang alisin ng Supreme Court ang temporary restraining order noong Martes.
Bukod sa EDSA at C5, ang NCAP ay ipapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Katipunan Avenue, Marcos Highway, Roxas Boulevard, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, West Avenue, E. Rodriguez Avenue, at Buendia.
Ginawa ni Guevarra ang pahayag makaraang ilabas ng SC ang kautusan na alisin ang TRO at MMDA lamang ang magpapatupad at hindi kasama ang mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Guevarra, ang pag-alis ng TRO ay makakatulong para magkaroon ng disiplina sa pagsunod sa batas trapiko, maiayos ang traffic management, at mabawasan ang aksidente sa kalsada.
Dahil sa pag-alis ng TRO maipapatupad na ng MMDA ang polisiya ng eksklusibo sa mga pangunahing kalsada katulad ng EDSA at C5 at ang walong iba pa.
