Ibababa sa 44 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila simula Oktubre bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).
Mula ito sa karaniwang 50 hanggang 53 cubic meters per second na inilalaan sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Ayon sa NWRB, maaaring maging limitado ang mga pinagkukuhanan ng tubig kapag tumindi ang El Niño, kaya hinihikayat ang MWSS na gamitin ang mga alternatibong source gaya ng mga water treatment facility sa Laguna Lake, Cavite, at Parañaque.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng NWRB ang lebel ng tubig at kondisyon ng supply, habang hinihikayat ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig.


