Inaprubahan ng Senate Impeachment Court ngayong Lunes, Hulyo 20, 2026, ang mosyon ng prosecution na i-subpoena ang mga financial record ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio.
Ipinag-utos ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang paglalabas ng subpoena para sa bank, tax, at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ng mag-asawa na sumasaklaw mula taong 2007 hanggang 2021.
Ayon kay Escudero, ang mga dokumento ay may kaugnayan sa Article II ng impeachment complaint na tumutukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan o unexplained wealth ng Bise Presidente.
Nilinaw naman ng impeachment court na hindi kasama sa subpoena ang mga foreign currency deposit accounts, law firm, at dalawang corporate entities ng mag-asawa. Binigyang-diin ni Escudero na may basehan ang desisyong ito at may katulad nang nangyari noon sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Inatasan ng Senado na dalhin at isumite ang mga naturang records sa impeachment court sa darating na Hulyo 30, 2026, sa ganap na alas-9 ng umaga.



