Ilang beses umanong nagtangkang lumabas ng bansa si dating House Speaker Martin Romualdez sa kabila ng umiiral na travel ban laban sa kanya. Ito ang ibinunyag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano kasabay ng pag-aanunsyo ngayong Lunes, Hulyo 20, magsasampa sila ng magkahiwalay na reklamo para sa preliminary investigation laban kay Romualdez at iba pang sangkot sa flood control scandal.
Ayon kay Clavano, nakatanggap sila ng ulat na hindi tumitigil ang mga pagtatangka ni Romualdez na makalabas ng Pilipinas kahit pa mayroong precautionary hold departure order (PHDO) na ipinalabas ng Sandiganbayan laban sa kanya.
Nakatakdang maghain ang Office of the Ombudsman ng dalawang magkahiwalay na reklamo para sa preliminary investigation laban kay Romualdez, kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, at sa iba pang mga personalidad. Kabilang sa mga maaaring isampang kaso ang pandarambong o plunder at tahasang paglabag sa Anti-Money Laundering Act.
Sa ulat ng fact-finding body ng Ombudsman, itinuro si Romualdez bilang "central figure" sa isang organisadong iskema.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa isinasagawang proseso ng Office of the Ombudsman. Bagama't pinsan ng Pangulo ang pangunahing akusado, nanindigan ang Palasyo na hahayaan nitong gumulong ang hustisya nang malaya at walang kinikilingan.
Itinanggi ng kampo ni Romualdez ang lahat ng alegasyong ipinupukol laban sa kanya. Ayon sa kanyang mga kinatawan, patuloy nilang pinasisinungalingan ang mga akusasyon at muling ipinahayag ang kahandaan ng dating House Speaker na makipagtulungan at harapin ang imbestigasyon sa tamang legal na forum.




