Itinuro si dating House Speaker Martin Romualdez bilang ‘central figure’ sa isang organisadong iskema ng umano’y ilegal na pag-divert ng mga pondong nakalaan sana para sa mga flood control project sa bansa, ayon sa ulat ng fact-finding body ng Office of the Ombudsman.
Nakatakdang maghain ang Ombudsman ng dalawang magkahiwalay na reklamo para sa preliminary investigation laban kay Romualdez, kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, at sa iba pang mga personalidad ukol sa mga kasong pandarambong o plunder at tahasang paglabag sa Anti-Money Laundering Act.
Kasabay ng paggulong ng kaso, ibinunyag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano ngayong Lunes, Hulyo 20, na ilang beses na umanong nagtangkang lumabas ng bansa ang dating mambabatas sa kabila ng umiiral na travel ban.
Ibinunyag ni Clavano na hindi tumitigil ang mga pagtatangka ni Romualdez na makalabas ng Pilipinas kahit pa mayroong precautionary hold departure order (PHDO) na ipinalabas ang Sandiganbayan laban sa kanya.
Tiniyak naman ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa takbo ng hustisya upang mapanatili ang kalayaan ng imbestigasyon, bagaman pinsan niya ang pangunahing akusado.
Itinanggi ng kampo ni Romualdez ang lahat ng mga alegasyong ipinupukol laban sa kanya. Ayon sa kanyang mga kinatawan, patuloy nilang pinasisinungalingan ang mga akusasyon at muling ipinahayag ang kahandaan ng dating House Speaker na makipagtulungan at harapin ang imbestigasyon sa tamang legal na forum.


