Pinagbigyan ng Senate impeachment court ang hiling ng prosecution na maglabas ng subpoena para sa mga financial record ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Kabilang dito ang mga tax record at mga peso bank account ni Duterte, ng kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, 19 na kumpanya, at isang partnership mula pa noong 2007. Pinayagan din ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) record ng mga Carpio, ngunit sasailalim muna ito sa pribadong pagsusuri ng korte upang matiyak na walang sensitibong impormasyon na mailalabas.
Samantala, hindi naman pinayagan ang subpoena para sa foreign currency deposit records o dollar accounts, maliban kung may pahintulot mula sa mga depositor. Tinanggihan din ang pagkuha ng records ng JTC Group of Companies at Pikimong Pikimong Philippines Corporation dahil walang sapat na ebidensyang nag-uugnay kina Duterte.
Binigyan ng impeachment court ang mga kinauukulang ahensya hanggang Hulyo 30 upang isumite ang mga aprubadong dokumento.


