Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na maaaring umabot sa ₱20 bilyon ang pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa inaasahang Super El Niño, na posibleng makaapekto sa 350,000 ektarya ng lupain.
Dahil dito, nanawagan ang Senado na ideklara ang state of national calamity upang mapabilis ang pagtugon sa epekto ng matinding tagtuyot.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaaring malampasan ang ₱16 bilyong naitalang pagkalugi noong El Niño ng 2023–2024. Posible ring maapektuhan ang 2.8 milyon hanggang 4.8 milyong magsasaka at mangingisda, habang maaaring bumaba ng 700,000 hanggang isang milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay.
Pinabibilis na ng DA ang mga hakbang upang matiyak ang suplay ng tubig para sa irigasyon, kabilang ang paggamit ng solar-powered pumps, pagtatayo ng maliliit na imbakan ng tubig at pagpapalalim ng mga palaisdaan.
Samantala, magsasagawa ang Senado ng pagdinig hinggil sa kahandaan at mga hakbang ng pamahalaan laban sa El Niño.


