Sa kabila ng apat na hindi magaang violations sa batas-trapiko, tila walang planong sibakin o suspendihin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang General Manager na si Nicolas Torre. Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, hindi dapat i-define ng pangyayaring ito ang diumano'y mga nagawa ni Torre para sa bayan.
Sa panayam ng isang local news network, sinabi ni Chairman Artes na nagpahayag na si Torre ng intensyong mag-retiro sa serbisyo-publiko. Subalit hinimok umano niya si Torre na pag-isipan muna ito.
Nag-leave ng isang buwan si Torre habang ni-revoke naman ng Land Transportation Office ang lisensya ng kaniyang driver matapos mahuling dumadaan sa EDSA busway gamit ang isang MMDA-marked SUV na privately registered at may plakang hindi tugma sa records ng LTO.
Sa ilalim ng RA7924 section 3, ang MMDA ay inaatasang pamahalaan ang traffic enforcement at traffic education programs sa Metro Manila. Sa kabila nito ay hindi pa umaaksyon ang MMDA sa naging paglabag ng kanilang opisyal.


