Posible ang pagpapatupad ng "zero system loss" sa singil sa kuryente, subalit hindi ito mangyayari sa isang iglap at nangangailangan ng sapat na panahon.
Ito ang nilinaw ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Rowena Guevara kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat iwasan ng mga power utility ang pagpasa ng singil sa system loss sa mga consumer.
Matagal nang idinadaing ng mga consumer ang line item na "system loss" sa kanilang buwanang bill sa kuryente. Marami ang nagtatanong kung bakit ang mga ordinaryong mamamayan ang pinagbabayad sa nawawalang enerhiya na bunga naman ng mga problemang nakikita ng mga kumpanya.
Itinuturing na magandang "wake-up call" ang pahayag ng Pangulo para mapilitan ang mga distribution utility na ayusin ang kanilang inefficiencies o kakulangan sa sistema. Binanggit ng DOE na ang una nilang mungkahi noon ay alisin man lang ang value-added tax (VAT) sa system loss dahil hindi makatwirang patawan pa ng buwis ang enerhiyang nawala na.
Ipinaliwanag ni Usec. Guevara na may mga kumplikadong proseso bago tuluyang maibaba o maalis ang system loss kabilang ang capital expenditure, iba't ibang sitwasyon ng mga utility, at ang system loss cap.
Para matupad ang pangako ng Pangulo, nakipagpulong na ang DOE sa ERC upang pag-aralan ang muling pagpapababa ng system loss cap. Ang unti-unting pagbaba ng limitasyong ito ang nakikitang paraan para mapuwersa ang mga utility na maging mas efficient at upang tuluyang mapababa ang buwanang bayarin ng mga consumer.
Panoorin ang interview sa ASPN: https://www.youtube.com/watch?v=PTNiOhE-QjA




