Pinabulaanan ng grupo ng mga scientist ang mga pahayag ng pamahalaan hinggil sa itatayong Pax Silica industrial hub sa New Clark City, Tarlac. Ayon sa grupong Agham, hindi kumpleto at tila naghuhugas-kamay ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa mga negatibong epekto ng dambuhalang proyekto sa kalikasan at agrikultura.
Ang Pax Silica ay isang U.S.-led initiative kung saan magtatayo ng 1,600-hektaryang high-tech industrial hub na layong suportahan ang imprastraktura ng Artificial Intelligence (AI), data centers, at paggawa ng semiconductors.
Kinontra ni Prof. Giovanni Tapang, tagapagsalita ng Agham, ang katwiran ng administrasyong Marcos at ng BCDA. Binigyang-diin ng grupo na mapapalayas ang mga magsasaka at mga katutubong grupo (IPs), direkta man sa tirahan o dahil sa kawalan ng kabuhayan.
Sinagot din ng Agham ang pinalalabas ng gobyerno na tatakbo sa "renewable energy" ang mga AI data center. Paliwanag ng mga eksperto, ang mga data center ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na enerhiya. Ang solar at wind energy ay sadyang umaasa sa pabago-bagong panahon.
Sa karanasan sa Amerika, gumagamit na ang mga data center ng mga diesel generator para hindi magambala ang operasyon, na nagdudulot naman ng matinding polusyon. Ang planong pag-ani ng "surface water" o ulan para palamigin ang mga pasilidad ay magpapababa pa rin sa supply ng tubig na nakalaan sana para sa mga lokal na magsasaka at mga komunidad sa ibaba ng ilog.
Idinagdag ni Tapang na ang mga ganitong malalaking proyekto ay walang malinaw na pangmatagalang benepisyo para sa tunay na pag-unlad ng bansa.
Panoorin ang report sa Siyento Por Siyento: https://www.youtube.com/watch?v=CvMGS0h6AuU




