Dineport na ng Bureau of Immigration (BI) ang 115 Chinese nationals na naaresto sa magkakahiwalay na operasyon laban sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Zamboanga Sibugay at Quezon City noong Oktubre.
Binubuo ang mga deportee ng 62 indibidwal na naaresto sa Zamboanga Sibugay noong Oktubre 2 at 53 naman sa Cubao, Quezon City noong Oktubre 12. Isinakay sila sa chartered flight ng China Southern Airlines patungong China matapos maglabas ng Summary Deportation Orders ang BI Board of Commissioners.
Magpapatuloy ang ahensya sa pagpapalakas ng operasyon at pakikipag-ugnayan sa mga lokal at international law enforcement agency upang labanan ang ilegal na POGO operations, online scams, at iba pang transnational crimes.



