Nananatiling nawawala ang 34 katao habang 106 ang kumpirmadong nasawi sa Negros Island Region, isang taon matapos manalasa ang Bagyong Tino na nagdulot ng matinding pagbaha at landslide sa rehiyon.
Ayon sa Office of Civil Defense–Negros Island Region, pinakamarami ang nawawala sa La Castellana na may 13 katao, sinundan ng Moises Padilla na may siyam.
Kabilang rin sa mga lugar na may pinakamataas na bilang ng nasawi ang La Castellana at Moises Padilla na kapwa nagtala ng 18 fatalities. Sa Negros Oriental, 22 ang nasawi sa Canlaon City.
Patuloy na minomonitor ng OCD-NIR, katuwang ang mga lokal na disaster risk reduction office, ang mga nawawala habang nagpapatuloy ang rehabilitation efforts sa mga apektadong lugar.



