Natuldukan na ang mainit na usapin sa bilang ng botong kakailanganin para hatulan si Vice President Sara Duterte matapos aprubahan ng Senate Impeachment Court ang pagbabago sa interpretasyon ng voting threshold sa botong 13-1.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, binago ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero ang kaniyang naunang ruling noong Hulyo 6. Sa dating ruling, kinakailangan ang 16 na boto, ang katumbas ng two-thirds ng kabuuang 24 na miyembro ng Senado, upang ma-convict ang Bise Presidente.
Subalit sa bagong interpretasyon, ibabatay na lang ang two-thirds vote sa kabuuang bilang ng mga senator-judges na aktwal na makakaboto. Bagamat binago ang batayan, nilinaw na hindi naman direktang idineklara na ibinaba ang orihinal na 16 votes.
Ipinunto ni Escudero na ang hakbang na ito ay bahagi ng proseso ng demokrasya at ang naturang desisyon ay para lang sa kasalukuyang paglilitis, hindi kailangang ipatupad sa mga susunod pang impeachment trials, at hindi maituturing na pormal na pag-amyenda sa rules of impeachment proceedings.
Labintatlong senador ang pumabor sa bagong panuntunan, kabilang si Senador Mark Villar na nag-abstain sa sesyon kaninang umaga bago tuluyang nagbago ang posisyon sa mismong botohan sa hapon. Isa naman ang tumutol, habang anim na miyembro ng minority bloc ang hindi lumahok sa botohan—sina Senador Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Bong Go, Robin Padilla, Imee Marcos, at Camille Villar.
Samantala, nagpahayag ng pagtutol si Senador Alan Peter Cayetano at iginiit na ang Korte Suprema dapat ang nagpasya sa usapin ng voting threshold, at nararapat sanang ginawa ito bago pa man opisyal na naipasa ng impeachment court ang mga panuntunan nito.



