Iginiit ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang panawagan para sa isang patas at walang kinikilingang paglilitis, kasabay ng babala na handa nilang kuwestiyunin sa Korte Suprema ang naging desisyon ng Senate Impeachment Court na baguhin ang voting threshold para sa kaniyang impeachment trial.
Ayon kay Defense Spokesperson Atty. Michael Poa, pinag-aaralan na ng kanilang hanay ang posibleng paghain ng legal na hakbang sa Kataas-taasang Hukuman upang hamunin ang bagong ruling ng Senado.
Sinusugan ito ni Lead Defense Counsel Atty. Sheila Sison, na nagpahayag na gagamitin ng Bise Presidente ang lahat ng legal remedies na nakasaad sa batas at Konstitusyon.
Sa kaniyang manifestation, binigyang-diin ni Sison ang isang naunang desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing bagama't may bahid ng political environment ang proseso ng impeachment, nananatili itong sakop ng Konstitusyon at nararapat na sumunod sa umiiral na mga panuntunan ng batas.
Pinasinungalingan din ng kampo ng Bise Presidente ang mga haka-haka na umiiwas ito sa kaniyang mga pananagutan.
Ang pahayag ng depensa ay tugon sa naging desisyon ng impeachment court kung saan ibabatay na lamang ang two-thirds vote sa bilang ng mga senador na makakaboto, hindi kabilang ang mga may sakit, nakadetine, o nagtatago, sa halip na sa kabuuang 24 miyembro ng Senado batay sa naunang ruling noong Hulyo 6.



