Sa tulong ng makabagong teknolohiya tulad ng blended learning at pagpapatayo ng multi-storey school building, kumpiyansa ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) na masosolusyunan ang decade-long problema sa kakulangan ng classroom sa bansa.
Bilang katibayan, isiniwalat ng DepEd na isinusulong ng kagawaran na ma-institutionalize ang blended learning bilang tugon sa nasabing problema.
Ayon kay DepEd Undersecretary Epimaco Densing, salig sa atas ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, gagamitin ang makabagong teknolohiya tulad ng blended learning.
Inilahad ni Densing na mayroon nang dayalogo ang kagawaran sa Microsoft technology tungkol sa itinutulak na virtual classrooms.
Base sa available data ng DepEd sa kasalukuyan, nasa 165,000 ang classroom shortage sa bansa.
Sa ibinigay na budget sa kanila sa 2024 National Expenditure Program na P19.6 billion nasa 7,879 na classroom lamang ang pinondohan para itayo.
Sa kanilang pagtaya, kailangan na paglaanan ng P24 billion kada taon ang kagawaran para matugunan ang classroom shortages hanggang 2028, pero ito ay nakatutok sa mga lugar na wala pang paaralan.
Isa rin sa bagong estratehiya ng DepEd sa pagtatayo ng mga classroom ay ang konstruksyon ng mid-rise o high rise buildings na may 5 hanggang 12 palapag.
