Iniutos ng Office of the Ombudsman na kasuhan si dating Luisiana, Laguna Mayor Jomapher Uy Alvarez dahil sa umano’y ilegal na pagkakatalaga ng municipal administrator at hindi makatarungang pagpigil sa mga benepisyo ng mga dating opisyal ng munisipyo.
Ayon sa Ombudsman, sapat ang mga ebidensiya upang kasuhan si Alvarez ng paglabag sa Sections 3(e) at 3(f) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, gayundin sa Article 244 ng Revised Penal Code na nagpaparusa sa ilegal na appointment ng mga opisyal ng gobyerno.
Giit ng Ombudsman, hindi ginampanan ni Alvarez ang kaniyang mga tungkulin at walang makatuwirang dahilan ang kaniyang hindi pagkilos.



