Sinampahan na ng murder complaint ang tatlong suspek sa pagpatay kay Basilan Judge Joseph Wee Sit na binaril sa Zamboanga City noong Nobyembre 12, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Inihain ang reklamo sa Zamboanga City Prosecutor’s Office matapos ang imbestigasyon ng Special Investigation Task Group. Kabilang sa mga respondent ang isang kinilalang suspek na umano’y bumaril sa biktima at dalawa pang hindi pa nakikilala na hinihinalang nagmaneho ng motorsiklo at getaway vehicle.
Nasawi si Wee Sit matapos pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng puting motorsiklo habang nagmamaneho patungo sa Tumaga Flea Market. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang lahat ng sangkot sa krimen.



