Hindi tutol ang Iglesia Ni Cristo sa pagpapatupad ng batas. Pero tutol kami sa pagbaluktot sa batas, lalo na kung ang layunin ay para pagtakpan ang katiwalian.
Gaya ng alam ng marami, si Senator Dante Marcoleta ay nanguna sa pag-iimbestiga sa isa sa pinakamalaking pandarambong na naganap sa ating kasaysayan.
Sinimulan niya ito nang siya pa ang Chairman ng Blue Ribbon Committee ng Senado. Subalit pinalitan ang liderato ng komiteng ito. Gayunpaman, itinuloy niya ang paghahanap ng hustisya para sa atin na mga mamamayan.
Ang ipinagtataka namin ay kung bakit siya, na nagsusulong sa pag-expose ng mga sangkot sa napakalaking pagnanakaw sa Pilipinas, ang kakasuhan at ipakukulong, sa halip na ang mga na-expose.
Ang ikinakaso kay Senator Marcoleta ay plunder, na isang non-bailable crime. Samakatuwid, ipakukulong siya at hindi puwedeng mag-piyansa hanggang hindi natatapos ang paglilitis sa kaniya. Sa madaling salita, ay hindi na niya maitutuloy ang paglalantad o pag-eexpose sa mga sangkot sa pandarambong na naganap.
Pero, paanong naging plunder ang pagtanggap ng campaign donation?
Hindi naman galing sa kabang-yaman ng Pilipinas ang tinanggap niyang donation mula sa mga sumuporta sa kaniyang pagkandidato bilang Senador. At mismong ang COMELEC ay naglabas na ng desisyon na walang krimen na naganap sa pagtanggap niya ng campaign donation.
Sinusuportahan ng Iglesia Ni Cristo ang itinataguyod ni Senator Marcoleta dahil ito rin ang posisyon namin. Nananawagan kami para sa Transparency, Accountability, Justice and Peace.
Kaya, nais naming iparinig sa mga kinauukulan na kahit ipakulong nila si Senator Marcoleta ay hindi kami titigil sa paghingi ng katarungan para sa mga kababayan natin na ninakawan.
Gusto naming ipaalam sa kanila na isang injustice ang selective justice. At hindi kami mananahimik sa harap nitong napakalaking pagyurak sa katarungan na hinihingi ng ating mga kababayan.

