Inilahad ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson sa programang Sa Ganang Mamamayan ang kanyang mga alegasyon hinggil sa umano'y “ghost projects” at substandard flood control projects sa Ilocos Norte, partikular sa First District ng lalawigan.
Sa panayam ni Nelson Lubao at Gen Subardiaga, sinabi ni Singson na nagsagawa umano siya at ang kanyang team ng inspeksyon gamit ang drone upang tingnan ang ilang proyektong nakalista sa DPWH Transparency website.
Ipinaalala niya na noong SONA ni PBBM noong 2024, pinalakpakan ng mga Congressman ang sinabi ng pangulo na “I built 5,500 flood control (projects).”
“Wala po yun. Sinungaling po. Napuntahan ko na lahat ng probinsiya. Naging presidente ako ng Governor's League, Mayor's League, Councilor's League. Tinanong ko lahat. Wala po. Ang sinasabi nila meron dito. Ghost project meron dito.”
Ayon kay Singson, pinuntahan nila ang Ilocos Norte dahil ito umano ang dapat maging “model” na probinsiya.
“Pinuntahan ko lang yung probinsiya niya, supposed to be a model. Probinsiya ng Presidente. Anak niya ang Congressman,” ani Singson.
Sinabi rin niya na gumamit sila ng drone para makakuha ng mga larawan at lokasyon ng mga proyekto.
“So gumamit kami ng drone. Medyo moderno dahil na-me-measure niya yung project. At nakakalipad hanggang 20 kilometers. At doon namin nakita yung mga project na puro putik at sinesemento na,” ayon kay Singson.
Isa sa mga proyektong binanggit sa panayam ay ang DPWH Project 25AA 0475, na ayon sa pagbasa sa programa ay isang flood control project sa Barangay Pila, Casili, Laoag, Ilocos Norte, na may halagang P47,022,160.24 mula sa GAA 2025.
Ayon sa panayam, ang proyekto ay dapat nagsimula noong February 13, 2025 at natapos noong September 1, 2025 batay umano sa DPWH Transparency website.
“Bayad na. Paid. Pero wala po yung proyekto,” pahayag ni Singson.
Nang tanungin kung ano ang nakita nila sa lugar, sinabi niya:
“Meron naman. Putik nga. Walang semento.”
Iginiit ni Singson na may geotag umano ang drone footage at mga larawan kaya hindi raw ito madaling pasubalian.
“Hindi nila mag-deny dahil meron geotag. May date, may lugar. Hindi nila madedeny yan,” ani Singson.
Dagdag pa niya:
“So evidence ito na. Exact location. Hindi nila madadaya.”
Inilahad din ni Singson ang umano'y substandard na pagkakagawa ng ilang bahagi ng proyekto. Ayon sa kanya, dapat ay 7.87 inches ang kapal ng semento, ngunit ang kanilang nakita umano ay 2.76 inches lamang.
“Substandard. Hindi sinunod. 2.76 inches lang na supposed to be 7.87 ang dapat na ginawa.”
Ayon pa sa kanya:
“Yan ang ginawa. Semento, nakapatong sa putik. Malayo sa specification ng DPWH.”
Binanggit din sa panayam ang isa pang flood control project sa Barangay Dipilat, Vintar, Ilocos Norte, na ayon sa pagbasa sa programa ay nagkakahalaga ng P82 million at dapat natapos noong October 31, 2024.
“Ganyan pa rin. 2024 natapos na. Bayad na, under GAA 2024,” ani Singson.
Mariing sinabi ni Singson na ang kanyang mga ipinakita ay bahagi lamang ng mas malawak umanong problema sa flood control projects.
“Puro kalokohan ang province ni President Marcos. Kaya wala pong sinasabi niya na 2,500. Diyan lang sa kanya wala na eh,” pahayag niya.
Sa panayam, binanggit din ni Singson ang DPWH contract 24AA 0112 sa Bislak River, Barangay Tamdagan, Vintar, Ilocos Norte, Phase 2. Ayon sa paglalarawan sa programa, ang bagong structure umano ay hindi nakadikit sa lumang flood control structure.
“Flood control, flood control pero hindi magkadugtong. Bayad na rito,” pahayag ni Singson.
Muli niyang iginiit na naka-geotag ang kanilang mga kuhang larawan.
“Naka-geotag. Ang eksaktong oras noong kinunan nito, nandyan. Hindi magkadugtong, hindi papantay,” aniya.
Sa huling bahagi ng panayam, sinabi ni Singson na handa siyang magsalita kung siya ay ipatatawag sa imbestigasyon.
“Patawag ako, patawag ako, sasabihin ko totoo,” pahayag niya.
Idinagdag niya:
“Dokumentado eh. Hindi makaila.”
Wala pang tugon sa naturang panayam mula sa mga opisyal at personalidad na binanggit ni Singson sa programa. Handa ang programang Sa Ganang Mamamayan at ang NET25 na ilathala o isahimpapawid ang kanilang panig sakaling sila ay magbigay ng pahayag.



