Isang estudyante ang sinasabing pinagmulan ng security concern sa La Salle Green Hills matapos umano itong magpakilalang shooter sa text message na ipinadala nito sa mga kaklase. Kinumpirma ito ng Mandaluyong Police.
Ayon kay PCol. Reynan Patam, ipinadala ng estudyante ang naturang mensahe sa kanyang mga kaklase, na agad namang nai-report sa kinauukulan.
Dahil dito, nagdesisyon ang La Salle Green Hills na ilipat sa online setup ang lahat ng klase mula Preschool hanggang Grade 12, kabilang ang IB at Alternative Education, bilang precautionary measure.
Sinabi ng paaralan na natukoy na ang pinagmulan ng security concern, ngunit hindi na kayang makumpleto ang safety protocol at onsite investigation bago ang pasukan.
Online synchronous ang lahat ng klase ngayong Huwebes, Agosto 27, habang online asynchronous naman ang klase sa Biyernes, Agosto 28, ayon sa naunang schedule.
Mananatiling bukas ang mga tanggapan para sa onsite transactions habang patuloy na inuuna ng paaralan ang kaligtasan ng mga estudyante at buong school community. | via Earlo Bringas

