Bumagsak sa bagong record low na 34% ang trust rating ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ilang linggo bago ang kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na kinomisyon ng Stratbase Group.
Ikinasa ang naturang survey mula Hunyo 20 hanggang 29, 2026.
Nanatili namang matatag ang tiwala ng publiko kay Bise Presidente Sara Duterte sa kabila ng kaniyang kinakaharap na impeachment trial.
Lumitaw sa ulat na bumaba ng isang puntos ang mga Pilipinong may malaking tiwala kay Marcos mula sa 35 porsyento noong Marso. Ito na ang pinakamababang markang nakuha ng Pangulo mula noong Hulyo 2024, kung kailan naitala niya ang kanyang pinakamataas na rating na 64%.
Samantala, umabot naman sa 45% ang nagpahayag ng mababang tiwala sa Pangulo. Ito ang pinakamataas na antas ng kawalan ng tiwala sa kaniya mula noong Nobyembre 2025. Ang natitirang 19 % naman ay nanatiling undecided.
Dahil dito, nakakuha si Marcos ng net trust rating na -11. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap siya ng "poor" grade sa pamantayan ng SWS.
Iba naman ang sitwasyon para kay Vice President Sara Duterte. Napanatili niya ang 57% malaking tiwala mula sa publiko, na walang pagbabago mula noong Marso.
May 27% na nagsabing maliit ang tiwala sa kaniya, at 15% ang hindi sigurado. Nagresulta ito sa net trust rating na +30, na itinuturing na "good" sa SWS standards.
Ayon kay Stratbase Institute President Victor Andres “Dindo” Manhit, ang resultang ito ay dapat magsilbing "wake-up call" sa administrasyong Marcos. Bagamat binalewala ng Malacañang ang survey, sinabi ni Manhit na pagkakataon ito ng Pangulo upang tugunan ang mga hinaing ng bayan sa kanyang SONA ngayong Hulyo 27.


