Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Hanoi ang mga Pilipinong bibiyahe sa Vietnam na kumuha ng travel insurance bilang paghahanda sa posibleng medical emergencies, kasunod ng mga naitalang insidente ng food poisoning sa bansa.
Hinimok din ang mga biyahero na mag-ingat sa pagkain at tubig, at pumili lamang ng mga hotel at restaurant na may magandang reviews at standards. Inirekomenda rin ng embahada ang pag-inom lamang ng bottled water habang nasa Vietnam.
Batay sa datos ng Vietnam Ministry of Health, 58 food poisoning outbreaks ang naitala sa unang anim na buwan ng 2026, na nakaapekto sa 1,573 katao at ikinasawi ng 10.
📷 VNA


