Nakahanda na ang Senado para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagawin sa Batasang Pambansa sa Quezon City ngayong araw.
Nakatakdang magbukas ngayong 10:00 ng umaga ang sesyon ng Senado para aprubahan ang resolusyon na ipinapaalam sa Kamara na may quorum na ang Senado sa pagbubukas ng 3rd regular session.
Ang pangalawang resolusyon na inihanda para aprubahan ng Senado ay ang ipaalam sa Pangulo na may quorum na ang Senado para sa pagbubukas ng 3rd regular session ngayong 19th Congress.
Ang pangatlong resolusyon ay ang House Concurrent Resolution para sa Joint Session upang pakinggan ang ikatlong SONA ng Pangulo.
At ang panghuling resolusyon na inaprubahan ng dalawang kapulungan sa Batasang Pambansa para ipaalam sa Pangulo ang pagbubukas ng 3rd regular session.
May itinalagang mga senador na welcoming committee na sasalubong sa Pangulo sa Batasang Pambansa kung saan tutuloy muna sila sa holding area at pagkatapos ay didiretso na sila sa plenary session para sa ikatlong SONA.
Pagkatapos na aprubahan ang mga nasabing resolusyon ay magbibigay ng mensahe sa unang pagkakataon si Senate President Francis "Chiz" Escudero.
Kulang na ng isang senador ngayong 3rd regular session ng 19th Congress dahil naitalaga si dating Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Base sa impormasyon, inaasahang tatalakayin ni Pangulong Marcos sa kanyang ikatlong SONA ang economic growth, dagdag-sahod ng government workers o salary standardization law na hihingin sa Kongreso.
Kasama rin sa inaasahan na babanggitin ng Pangulo ang kontrobersyal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), isyu sa West Philippine Sea, at ang La Nina.
Bukod sa sasabihin ng Pangulo, inaabangan din ang mga kasuotan ng mga senador ngayong 3rd regular session ng 19th Congress.
Tulad ni Senator Nancy Binay na suot ang Al Pina Terno na gawa ng designer na si Randy Ortiz. Barong at gown naman ang kasuotan ng mag-asawang Senator Raffy Tulfo at Congresswoman Jocelyn Tulfo na gawa ng designer na si Rajo Laurel.
Gawa sa Pina ang Barong ni Senator Tulfo na may disenyo na anahaw leaf, habang gawa sa Champagne Gold Silk Lame ang gown ni Congresswoman Tulfo.
Gawa sa Camarines Norte ang Barong na isusuot ni Senator Robin Padilla. Pina Barong naman ang kasuotan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na gawa ng designer na si Rod Francisco.



