Binigyan ni Senator Cynthia Villar ng 8 o 9 out of 10 na grado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang taon ng panunungkulan.
Paliwanag ni Villar, wala namang perpekto sa kahit anong administrasyon. Aniya, kahit anong ganda ng mga proyekto at programa kung walang kooperasyon mula sa publiko ay hindi rin agad makikita ang benepisyo nito.
Ibinigay nitong halimbawa ang presyo ng bigas na aniya ay mahirap talagang maibaba sa bente pesos dahil kung bibilhin ito ng mga trader ay nasa P25 na isang kilo, at pagdating sa merkado ay P30 hanggang P40 na ang halaga nito.
Kaugnay nito, nanawagan si Villar sa publiko na suportahan ang mga proyektong magpapalakas sa produksyon ng bigas tulad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at Philippine Rice Research Institute.
Samantala, inaasahan ng senador na marinig sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ang bagong batas na nagpapalaya sa mga agrarian reform beneficiaries mula sa kanilang pagkakautang at ang Maharlika Investment Fund (MIF) Act.




