Kung si Senator Francis "Chiz" Escudero ang tatanungin, dapat ireport ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw ang totoong estado ng bansa.
Naniniwala si Escudero na ang SONA ng Pangulo ay hindi lang dapat nag-uulat bagkus nagmumulat din sa kaisipan ng mga Pilipino.
Giit ni Escudero, hindi lang dapat puro masasayang balita ang banggitin ng Pangulo sa kanyang ikalawang SONA. Dapat din banggitin ang tunay na mapait na nangyayari sa bansa para mabigyan ng solusyon sa hinaharap.
Pinayuhan ni Escudero ang Pangulo na huwag mag-alala sa publiko kung babanggitin ang totoong estado ng Pilipinas, tulad ng mataas na presyo ng mga bilihin, kawalan ng trabaho, nananatiling pangarap pa rin sa ilan ang magkaroon ng sariling kabuhayan, mga nagsisiksikan na mga pasyente sa emergency room ng pampublikong ospital, at iba pang problema na kinakaharap ng bansa.
Dagdag pa ng senador, alam ng taumbayan na ang laman ng SONA ay magandang balita at umiiwas sa paglalarawan ng buong katotohanan pero dapat aminin ang katotohanan upang mabigyan ito ng solusyon sa hinaharap.




