Nasa 26 katao na ang naiulat na nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Luis, Maymay, at pinalakas na habagat, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa datos ng ahensya, 16 sa mga nasawi ay dahil sa landslide sa Baguio City, La Trinidad, at Atok sa Benguet, habang pitong iba pa ang namatay dahil sa rockslide, pagkalunod, pagkakuryente, at pagbagsak ng puno sa Rodriguez, Binangonan, at Antipolo City sa Rizal.
Bukod dito, dalawang lalaki ang namatay dahil sa pagkakuryente at pagkalunod sa La Union at Pangasinan, habang isang pulis ang nalunod sa Cadiz City, Negros Occidental.
Sinabi ng PNP na kailangan pang beripikahin ang datos kasama ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaan habang nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa mga apektadong lugar.



