Iisa ang resulta ng pangunahing polling institutions sa bansa, na pawang nagpakita ng pagbaba ng tiwala ng publiko kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ilang araw bago ang kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Ipinapakita ng mga numerong inilabas ng Social Weather Stations (SWS), Pulse Asia, at PUBLiCUS Asia ang patuloy na pag-urong ng mga marka ng pangulo sa gitna ng nagpapatuloy na mga hamon sa pamamahala at kabuhayan.
Sa pinakahuling survey ng SWS bago ang SONA, naitala ang pagbaba ng trust rating ng Pangulo sa 34%, na mas mababa kaysa sa mga nakaraang quarter. Kasabay nito, pumalo naman sa 45% ang nagpahayag ng maliit na tiwala o kawalan ng kumpiyansa sa kaniya, na nagpapakita ng lumalawak na agwat sa pagitan ng kaniyang mga tagasuporta at mga kritiko.
Ayon naman sa mga numerong nakalap ng Pulse Asia, bumaba ang trust rating ng pangulo sa 28% habang umakyat naman sa 50% ang kaniyang disapproval rating.
Sa resulta ng PUBLiCUS Asia Pahayag survey, nakita ang pagbaba ng approval at trust ratings para sa punong ehekutibo. Bumaba ang approval rating ni Marcos sa 19% habang nasa 13% na lamang ang kaniyang trust rating.
Ang pagbaba ng mga marka ni Pangulong Marcos sa mga pangunahing survey ay nagpapakita ng lumalaking hamon sa kaniyang administrasyon pagdating sa pagpapanatili ng kumpiyansa ng taumbayan.



