Nasagot na ba ng ating Komisyon sa Wikang Filipino ang nakatutuwang tanong na iyan ng isang netizen? Aba'y huwag na natin silang abalahin at may mas mahalaga silang pabatid ngayong Agosto.
Tanda niyo pa ba noong tayo'y mga bata pa? Ang buwan ng Agosto ay alam nating puno ng mga aktibidad sa eskwela na may kinalaman sa Buwan ng Wikang Pambansa.
Bilang isang estudyante noon na mahilig sa araling may kinalaman sa wika, isa ako sa mga nakaabang sa mga paligsahan sa paggawa ng tula at sanaysay. Manalo man o matalo, nakatatak sa aking gunita ang kasabikan noon na makilahok sa mga nasabing patimpalak. Nariyan din ang mga kompetisyong nangangailangan ng grupo tulad ng sabayang pagbigkas, pagsasadula, pag-awit ng mga klasikong awitin at iba pa. Hindi upang ipagmalaki, ang pagbabahaging ito ay upang ipahayag na nagpapatuloy sana ang ganitong bugso hindi man sa lahat kundi sa maraming kabataang Pilipino.
Isa ako sa mga umaasang mananatiling buhay ang mayaman nating wika hanggang sa mga susunod na henerasyon upang magkaroon ng tulay sa bawat pulong bumubuo sa ating bansa.
May malaking kinalaman rin kasi ito sa pagkakaisa ng bayan.
“Ito po ang isang elemento na nagbubuklod sa mga tao, isang instrumento ng kapayapaan,” pahayag ni Atty. Marites Barrios-Taran, Direktor-Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Ika naman ng kasalukuyang pangulo, Ferdinand R. Marcos Jr., "ating bigyang-pansin ang kapangyarihan ng wika hindi lamang sa pagbuo ng ating kaisipan at paraan ng komunikasyon, kundi pati na rin sa pagkintal ng ating patuloy na pagsulong at pagdala ng kolektibong karunungan sa bawat henerasyon.”
Advertisement
“Bilang mga Pilipino, ating yakapin ang diwa ng pagkakaisa at pagiging makabayan sa ating patuloy na pagpanday ng ating inaasam na dalisay na Kinabukasan."
Hangad ko rin bilang isang ordinaryong mamamayan na magkaroon ng mas marami pang oportunidad upang magamit ang ating wika sa iba't ibang serbisyo ng gobyerno at maging ng mga pribadong organisasyon, mula sa malalaki hanggang maliliit na bagay, halimbawa ay pagbibigay ng mga direksyon sa mga lansangan, pagpapaunawa ng mga tuntunin o patakaran at sa pakikipag-ugnayan sa taumbayan. Nasimulan na ito, at sana'y mapalawig pa sa interes ng lipunan.
Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, ang Buwan ng Wikang Pambansa ay ipinagdiriwang tuwing Agosto 1-31 sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Ang tema nito ngayong taon ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Ang Pilipinas ay isang linguistically-diversed na bansa dahil sa pagtataglay nito ng 134 na mga wika kasama ang Filipino Sign Language (FSL).
Ngayong buwan ng Agosto ay anibersaryo naman ng kapanganakan at kamatayan ng "Ama ng Wikang Pambansa" na si dating Pangulong Manuel Luis Quezon. Siya ay ipinanganak noong ika-19 ng Agosto 1878 sa Baler, Aurora, at namatay noong ika-1 ng Agosto 1944.
Samantala, kaisa ang himpilang ito, ang inyong NET25, sa pagtataguyod ng ating mahal na wika. Kaya naman para sa mga balita at impormasyon, lagi lamang bisitahin ang opisyal na pook-sapot o website na https://net25.com/





