Itong girian ng Pilipinas at China ay matagal na. Nagpasimula pa ito noong panahon ng administrasyon ni P-Noy. Naalala n'yo ang 'standoff' na naganap noon sa pagitan ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal?
Ang dahilan ay agawan ng teritoryo. Aling teritoryo?
May claim tayo na sa atin ang Ayungin Shoal at gayundin ang China na ang tawag nila rito ay Ren’ai Jiao.
Ang Ayungin Shoal, a.k.a. Tomas Shoal 2, ay isang submerged reef na parte ng Spratly Islands na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEz) ng Pilipinas.
Dahil dito ay may jurisdiction at maritime exploration rights tayo sa Ayungin Shoal. Ang location nito ay West Philippine Sea, na may 115 nautical miles mula sa coastline ng Palawan. Talagang pasok sa EE na may sakop na 200 nautical miles.
KAGANAPAN SA WPS
Fast forward tayo sa kasalukuyang kaganapan dito sa West Philippine Sea. Noong nakaraang Sabado lamang, Agosto 5, ay inulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na dalawang barko nila at dalawang supply boats ang hinarang ng anim na China Coast Guard (CCG) vessels at kinanyon ng tubig.
Habang ito ay nagaganap, tinawagan ni Department of Foreign Affairs Acting USEC for Bilateral Relations and Asean Affairs na si Ma. Theresa Lazaro ang Chinese envoy sa Pilipinas na si Huang Xillian upang sabihin niya sa Beijing China na itigil ang 'Illegal action" na ito ng China laban sa ating Philippine vessels na ang ginagawa ay hindi naman illegal activities. Nagpadala rin si USEC Lazaro ng isang “strong-worded” note verbale sa Chinese envoy at Foreign Ministry ng China. Resulta walang reply.
Sa press briefing na ginawa noong August 7 sa DFA Building sa Manila ay nagbigay ng update tungkol sa insidenteng ito sina Philippine Coast Guard Spokesperson for West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela, National Security Council Asst. Director General Jonathan Malaya, at Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Medel Aguilar.
Ayon sa PCG Spokesman Com. Jay Tarriela, nag-deploy ang PCG ng dalawang vessels upang mag-escort sa dalawang “supply boats” na may mga kargang provisions of food, water, fuel at iba pang basic neccesities para sa mga navy personnel natin na nakatira sa BRP Sierra Madre na naka-himpil doon sa Ayungin Shoal. Dahil sa mga "dangerous maneuvers" at water-canon firing na ginawa sa kanila ng CCG, nabigo ang isa sa dalawang supply boats na ma-deliver ang kanilang dalang supplies sa BRP Sierra Madre.
Ang BRP Sierra Madre ay isang kinakalawang na WWII warship na naka-himpil sa Ayungin Shoal noon pang 1999. Ang barkong ito ay isinadsad dito ng Pilipinas upang maging palatandaan na ang Ayungin Shoal ay atin at hindi kaninomang bansa. Ito ay nagsisilbing outpost natin na sumasagisag din sa ating sovereign rights. Lulan sa barkong ito ay mga kasundaluhang Navy na nagbabantay sa ating teritoryong ito.
Sabi ng maraming netizens, mga vloggers, at maging ilan na mga senador natin, na ito ay tahasang pambu-bully ng China sa atin. Tinatakot nga ba tayo ng China? Sapagkat iyan ang layunin ng nambu-bully.
Advertisement
SUPERPOWER
Alam natin na ang China ay isang superpower na bansa. At lalong alam din nila ito. Sa pakiwari ko ay alam din nila na tayo ay walang kakayahan na makipagsabayan sa kanila. Kahit sabihin na maraming matapang na Filipino ay no match tayo sa superior weapons at fire power nila. Hindi tayo superpower na tulad nila.
Kung gayon, ginagawa nila ito sapagkat meron silang pinapatamaan. Sino? Walang iba kundi ang US, na nasa likod natin at nakikialam sa dispute na ito sa pagitan ng bansa natin at China. Mula pa noong standoff sa Scarborough Shoal ay may kamay na rito ang U.S. sa pakikialam.
Sila rin ang nagudyok sa atin na magfile ng charges sa arbitration trial sa Hague. Nanalo tayo rito subalit para tayong isang boksingero na umakyat sa ring pero yung katunggali ay wala. Nagshadow-boxing lang tayo at pagkatapos ay itinaas ng referee ang kamay natin na nagwagi. May impact ba ito sa China? Wala. Hanggang ngayon deadma sila rito.
PAG-ALMA NG U.S.
Umalma ang U.S. at nagpahayag ng statement na kinokondena nila ang “harassment” na ginawa ng China sa ating military vessels. Sumagot ang China ng parang ganitong effect: “Oh, bakit sila sumasagot sa U.S.? Pag sa atin, seen zoned!” Kasi ang U.S. ay superpower at alam ng China na may pakay ito sa kanila ng pailalim. Sa insidenteng ito, ay kino-confront na nila ang U.S.
Para ba gang ipinahihiwatig nila na “Eh ano kung kami mambomba ng tubig at itaboy ang PCG? Teritoryo namin ito, ah? Eh ano ngayon kung lumabag kami sa UNCLOS? Anong gusto nyo? Ubusan?”
So, para sa akin ay huwag na sanang mag-alimpuyo ang galit ng mga senador, dahil una, wala naman silang magagawa. Daan-daang diplomatic protests (445) na ang nagawa ng DFA natin sa China mula pa 2020, at 35 projects naman nitong taong ito. May nangyayari ba?
Subalit, para sa akin ay sige lang. Tambakan natin sila ng diplomatic protests. Sapagkat patotoo ito on record na tayo ay tutol sa ginagawa ng China sa atin sapagkat sa batas ng karagatan ay atin ang Ayungin Shoal. Sa armas daig tayo— pero sa batas tama tayo.
SIMBOLO NG SOVEREIGN RIGHTS
Sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director Jonathan Malaya na kailanman ay hindi natin aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin. Sinigundahan ito ni West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na sa ganang kanyang nalalaman ay walang sinasabi ang national government natin na gawin ito. Ang direktiba ng Pangulong Marcos, Jr. ay huwag itong pababayaan sapagkat simbolo ito ng ating sovereign rights.
Ito ay reaksyon nila sa sinabi ng China na hindi raw natin tinutupad ang pangako natin na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Aba, may nang-iintriga ba sa atin o may gumagawa ng katraydoran? Parang naaalala ko yung nangyari sa Scarborough Shoal.





