Green, magenta at blue – 'yan ang mga kulay na madalas nating makita sa mga pangunahing kalye ng Kamaynilaan sa panahon ngayon. Suot ang uniporme ng mga kilalang tatak, ang mga riders na ito ay bahagi ng lumalagong gig economy sa Pilipinas.
Sa depinisyon ng Investopedia, ang gig economy ay isang labor market na umaasa sa pansamantala at part-time na posisyon na tinatanggap ng independent contractors at freelancers.
Ngayong taon, naobserbahan ang pagdami ng mga Pilipinong pumapasok sa gig economy o mga short-term freelance work. Sa ulat ng GCash at Payoneer, may 1.5 milyong Pilipinong naka-rehistro sa international online platforms para sa freelancing services.
Sa isa pang nalathalang ulat, may tatlong dahilan kaya't umuusbong ang gig economy sa bansa. Una ay ang mas malawak na naaabot ng digital platforms. Mas maraming tao ngayon ang gumagamit ng mga serbisyong maaaring ma-access online, mula sa food deliveries, ridesharing, transport at iba pa. Pangalawa ay ang oportunidad na kumita ng mas malaki. Dahil sa sipag at diskarte ng Pinoy, nagagawa nilang dagdagan ang kanilang kinikita mula sa kanilang regular na trabaho gamit ang short-term freelance work. At ang pangatlo, ang kalayaan at kakayahang hawakan ang sariling oras sa pagta-trabaho. Pasok dito ang mga college students na nagta-trabaho part-time at ang mga magulang na abala rin sa pag-aalaga ng mga anak.
Advertisement
Sa kabilang dako, nakikita ng mga employer ang bentaha ng pagtanggap sa freelancers. Nakatitipid sila sa paraang ito at lumalaki pa ang pool of talents dahil hindi na sila nalilimitahan sa lokasyon.
May mga pangamba rin sa gig economy tulad ng job security at financial risk. Sa kabila nito, nakikita ng mga eksperto ang ambag ng sektor sa kabuuang economic performance ng Pilipinas. Nakatutulong ito sa pagkakamit ng inaasahang GDP figures at pagpapalakas ng consumer spending.
Kaya naman, dapat lang na suportahan natin ang sektor ng gig economy at panatilihin itong OPEN FOR BUSINESS.
Abangan ang pagtalakay sa paksang ito sa mga susunod na episode ng Open For Business sa NET25, Linggo, 9:00 ng gabi.





