Noong Hulyo 26, 2023 ay pumanaw na ang batikang impersonator na walang iba kundi si Willie Nepomuceno
Kung mayroon pang ibang masasabing impersonator sa ating bansa, sila iyong mga nakilala noong 1960’s— subalit sa larangan ng pag-awit lamang, tulad ng singer na si Diomedes Maturan na binansagan na “Perry Como of the Philippines”, at iba pang nagi-impersonate kanila Frank Sinatra, Ricky Nelson at Elvis Presley.
Pero pagdating sa pag-impersonate sa mga sikat na artista, local man o international, at mga presidente natin mula kay Marcos Sr. hanggang kay Duterte, ay wala ng iba kundi si Willie.
Nagluksa ang entertainment industry at ang maraming tagahanga ni Willie sapagkat kasama niya na pumanaw ang presentasyon ng political satire na siya lamang ang nakagagawa.
Kinagiliwan si Willie ng napakarami, hindi lamang sa kaniyang pagiging master impersonator, kundi na rin ang kaniyang pagiging komedyante, satirist, at impressionist.
Kuha na niya ang lahat: boses, speech pattern, hitsura, porma, tayo, lakad, at mannerism ng mga character na kaniyang tinularan, kaya marami ang nagugulat kay Willie hindi lamang ng mga taong kaniyang ginagaya kundi kung gaano kalawak ang kaniyang kaalaman sa kasanayan niyang ito.
Sa palagay ko ay wala nang kapantay ang kahusayan ni Willie sa paggaya ng tao.
Kung kaya niyang gayahin ang “King of Comedy” na si Dolphy, “King of Action Movies” na si FPJ, ‘50s rocker na si Bobby Gonzalez, folk singer na si Sylvia LaTorre, actress/singer Julie Andrews, boxing champs Manny Pacquiao, Muhammad Ali, R&B singer Stevie Wonder, saloon singer Tony Bennett, at mga senador, sino pa kaya ang hindi niya kayang gayahin?
Sa mga interview na aking napanood, bata pa si Willie ay ganito na ang kaniyang hilig: mag-observe at manggaya ng mga taong kaniyang kinatutuwaan.
Ayon din sa kwento ni Willie sa isang interview, ang kaniyang tatay na si Leonardo na pulis ay mahilig sumayaw at ang nanay naman niya na si Paquita ay beautician na magaling mag-piano at kapwa parehong mahilig sa sining.
Siya raw ang pinapa-entertain sa kanilang mga kamag-anak dahil lubos na nakapagpapasaya siya kapag halimbawa ginagaya ang isang auntie na kalog o uncle na eccentric.
Sa akin pang mga pagsasaliksik, napag-alaman ko na paglaki niya ay nakita na niya ang kaniyang talent na ito at gradually ay hinasa niya ang sarili niya rito upang siya'y maging dalubhasa.
Advertisement
Bagama’t nakapag-aral sa UP Fine Arts, hindi na niya gaanong na-praktis ang kaniyang pangarap na maging pintor, kundi ang pagiging impersonator.
Ginagaya niya ang mga teachers, kaya pati ang mga estudyante ay naloloko niya sa pagaakalang, “Naku, nandito na yung terror nating teacher,” kaya sila patatahimik. Yun pala, ay si Willie lang.
Noong 1970s, siya ay sumali sa isang impersonating contest sa radyo at siya ay nagwagi. Ito ang naging pintuan niya upang makapasok siya sa showbiz at dito na siya naging tanyag na komedyante at nagkaroon ng platform para mapalawig niya ang kaniyang impersonation acts.
Napakarami na niyang na-headline na comedy concerts at live performances sa mga nagdaang panahon.
Nakagawa rin siya ng tatlong pelikula, music albums, madalas lumalabas sa mga TV shows, kaya masasabi rin na siya ay isang all-around entertainer.
Higit sa lahat siya ay may class, at dignified ang kaniyang mga pagpapatawa, kaya walang sinuman na nao-offend bagkus talagang natatawa sila at natutututo pa sila na mapaghusay ang pagharap sa publiko.
Hindi lang boses at physical looks ng mga characters na kaniyang kinokopya siya magaling kundi kaya ng bibig niya na makapag-produce ng sound effects.
Halimbawa, sasabihin niya na dumarating na si Presidente Marcos mula sa kaniyang state visit, kaya sisimulan niya ito ng sound effect ng eroplano na lumalanding sa airport bago siya mag-impersonate; kay FVR naman ay helicopter, at kay Erap, ay jeep na bumubusina (“Jeep Ni Erap”).
Sa kaniyang pagiging satirical, dito niya naipapakita ang talas ng kaniyang wit o galing sa pagpapatawa, kaya naman ang audience niya ay walang tigil ang hagikhik at katatawa. ‘Yan ang naa-appreciate ni Willie sa kaniyang trabaho, masaya—hindi isang chore na nakaka-bore, kundi kawili-wiling gawin.
Si Willie ay ipinanganak noong July 8, 1948. Noong 2016 ay na-stroke siya at nakarecover naman pagkaraan ng dalawang taon. Tanging bisyo ni Willie ay ang manigarilyo ng labis.
Ayon sa kaniyang anak na si Willie Wilsson, ang tatay niya ay nahulog sa kama noong July 24, 2023 at nagtamo ng pinsala sa ulo.
Agad siyang dinala sa Marikina Valley Medical Center sa estadong comatose, subalit pagkalipas ng dalawang araw ay binawian na siya ng buhay, 18 days matapos niyang sapitin ang kaniyang 75th birthday.
Si Willie Nepomuceno ay isang legend, sapagkat nag-iwan siya ng masasayang alaala na kailanman ay hindi malilimot ng industriya, at ng napakarami niyang mga tagahanga.





