Sumagupa ang Pilipinas sa isang napakalakas at mapaminsalang super typhoon – si Egay – na nag-iwan ng panlulumo at kalungkutan sa marami nating kababayan. Ang mga ipinundar na tahanan, iningatang sakahan at dinaraanang mga kalsada, sa isang iglap ay nangasira.
Habang isinusulat ito, umakyat na sa P62 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura habang P656 milyon naman ang sa imprastraktura, na parehong idinulot ng bagyo, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council. Mahigit 2,000 kabahayan ang napaulat na nasira at mahigit 42,000 naman ang kinailangang ilikas para sa kanilang kaligtasan.
Sa kasamaang-palad, nasa 13 katao ang nasawi na pawang mula sa iba't ibang mga lugar kabilang ang Cordillera Administrative Region at Western Visayas.
Sa kasalukuyang bilang ng mga awtoridad, mahigit 500,000 katao ang apektado ng bagyo na katumbas ng mahigit 141,000 pamilya.
Sa Kamaynilaan, ilang araw na naging pabugso-bugso ang malakas na pag-ulan na nagresulta ng malawakang pagbaha sa mga lungsod.
Subalit ang isa pang ikinalungkot ng marami ay ang pagkasira ng isang kilalang tulay sa Ilocos Sur – ang Quirino Bridge. Kinikilala ang tulay na isa sa mga pinaka-iconic na simbolo ng probinsya ng Ilocos Sur. Pinagdudugtong ng tulay, na dating tinatawag na Old Banaoang, ang bayan ng Bantay at Santa.
Advertisement
Sa ulat ng Philippine Information Agency sa Ilocos Sur, bumigay ang dalawang span ng tulay na nakakabit doon dahil sa mataas na lebel ng tubig at malakas na agos sa ilog.
Bagaman hindi na bago sa ating bansa ang malalakas na bagyo, lalo na ang mga nasa kategoryang Super Typhoon, mahirap pa ring paghandaan ang mga epekto nito.
Sa tingin ninyo, sapat ba ang mga hakbang ng pamahalaan para panatilihing 'resilient' ang Pilipinas laban sa mga bagyo?
Patuloy na naglalaan ng pondo ang gobyerno at pinakikilos ang mga ahensya nito para agarang tulungan ang mga naapektuhan ng kalamidad. Lagi ring nakaalerto ang mga grupong nagsisilbing search-and-rescue at retrieval teams. Abala naman ang mga lokal na pamahalaan o LGUs sa pagbabantay sa kanilang mga nasasakupan. Ang lahat ng ito ay agarang tumutugon sa tawag ng pangangailangan ng ating mga kababayan.
Subalit, ang pagkasira ng Quirino Bridge ay magsisilbing larawan ng sinapit ng bansa sa hagupit ni Egay. Pinatunayan nitong nariyan pa rin ang banta ng delubyo sa kabila ng kahandaan.





